BALAGTAS, BULACAN – Idinulog ng isang siyam na buwang buntis sa social media ang kaniyang reklamo tungkol umano sa pamimili ng kanilang barangay sa mga bibigyan ng ayuda sa naturang bayan.
Ayon kay Janessa Joy Cardenas, tumanggi raw ang social worker na bigyan siya ng social amelioration form dahil maayos naman daw ang kondisyon ng pamilya nito.
Tinanong din umano siya ng nag-iikot sa Barangay Panginay kung botante siya sa lalawigan.
“Kung ‘yon daw sa duluhan ay pilay, hindi daw nila binigyan, ako pa raw buo ang kamay ko, may mata ko at paa, bibigyan nila? Hindi ko po natanggap kung paano po nila kami kinausap,” sabi ni Cardenas sa panayam ng programang 24 Oras noong Martes.
Nang mag-viral sa Facebook ang hinanakit ng residenteng buntis, binalikan daw siya ng social worker upang bigyan ng form at pinapunta sa barangay para maabutan ng ayuda mula sa nasyonal na pamahalaan.
Subalit pagkatapos nito, inutusan daw siya ng mga kawani na burahin ang nasabing video sa harapan ng mga awtoridad.
Mariin naman pinabulaanan ng mga taga-barangay at maging ng social worker ang mga alegasyon sa kanila ni Cardenas.
Depensa ng mga opisyal, ipinatawag nila ang mga pulis upang maging testigo sa nangyaring paghaharap.
Nagdesisyon daw ang ginang na tanggalin ang post dahil “nabuyo” lamang ng mga kapitbahay na gawin ito.
Sa ilalim ng enhanced community quarantine, tigil-operasyon ang maraming trabaho at mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas ng bahay maliban na lamang kung kailangan bumili ng gamot o pagkain.