VIRAL: Lolo na pinabababa ng jeep dahil sa amoy nito, may nakaaantig na kuwento

Courtesy Peng Contreras Carpo

Halos madurog ang puso ng netizens sa Facebook post ni Peng Contreras Carpo tungkol sa isang matandang lalaki na nakasabay niya sa jeep.

Kuwento ni Carpo, inirereklamo ng mga ilang pasahero ang amoy ng matanda na kinilalang si Tatay Bert.

Dahil sa hinaing ng ilang commuters, itinigil ng jeepney drayber ang kaniyang pagmamaneho at pilit na ipinababa ang kaawa-awang lolo.


Umalma ang uploader sa ginagawa ng tsuper at sinabing siya na ang magbabayad sa pasahero ni Tatay Bert.

Naluluha naman ang matandang lalaki habang humihingi ng paumanhin sa mga kapwa-pasahero at ipinaliwanag na halos isang linggo na siyang hindi naliligo.

Ayon sa pobreng lolo, galing pa siyang Guimaras at napadpad lamang sa Iloilo para mamalimos. Ginagawa niya umano ito dahil hindi siya tinatanggap sa mga trabahong ina-aplyan sanhi ng edad.

Kusang-loob din ipinakita ni Tatay Bert ang laman ng sakong bitbit at tumambad sa kanila ang mga damit at pagkaing ibibigay sa pamilyang naghihintay.

Nang marinig ng ilang commuter ang storya ng matanda, halos lamunin sila ng kahihiyan sa panghuhusgang ginawa.

Kaya payo ng netizen, huwag mangutya ng tao batay sa pisikal niyang anyo at mabuting alamin at unawin ang sitwasyong pinagdadaan nila ngayon.

Facebook Comments