Hindi hadlang ang kahirapan sa estudyanteng pursigidong matuto at makapagtapos.
Hinahangaan ngayon ng netizens ang dedikasyon ng isang mag-aaral mula sa Lianga National Comprehensive High School sa Surigao del Sur na nagsusulat ng notes sa dahon ng saging.
Ayon sa gurong si Arcilyn Balbin Azarcon, halos madurog ang puso niya nang makita kung saan isinusulat ni Erlande Monter ang natutunan sa Mathematics.
Nakuhanan ng retrato ang estudyante habang kinokopya ang nakasulat sa pisara.
“[Ang sabi ko] hala bakit ano banana leaf ang sinusulatan mo and then when I look out may banana na nakaputol doon and then sabi ko pinutol mo ba yung dalawang banana? Hindi po ma’am kumuha lang ako ng dahon doon,” pahayag ng titser.
Kasalukuyang nagtratabaho bilang road maintenance worker sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tatay ng bata na kumikita ng P4,000 kada buwan. Housewife naman ang nanay niyang si Enriqueta.
Pangarap ng mag-aaral maging sundalo kaya nag-aaral siyang maigi.
Dahil sa nakamamanghang post, marami nang nakipag-ugnayan kay Azarcon para mabigyan ng tulong ang pamilya ni Monter.
Sa ngayon, umabot na sa mahigit 6,000 shares and likes ang nakatutuwa at nakabibilib na diskarte ng estudyante.