Tahasang pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang kumakalat na mensahe sa social media tungkol sa umano’y chop-chop syndicate na nambibiktima ng mga motorista sa iba’t ibang lugar sa kalakhang Maynila kabilang ang Green Meadows, Valle Verde, Binondo, C5 at BGC.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr., napatunayan na isa itong hoax matapos imbestigahan ng PNP ang naturang ulat.
Ani Acorda, una nang kumalat ang mensahe noong 2017, pero wala namang iniulat na insidente sa PNP hinggil sa nasabing chop chop syndicate.
Babala ng Pambansang pulisya na may kaakibat na kaparusahan ang pagpapakalat ng mali-maling impormasyon na maaring magdulot ng takot at pangamba sa publiko.
Kasunod nito, pinapayuhan ng PNP ang netizens na beripikahin muna ang impormasyon bago i-share sa kani-kanilang social media.