VIRAL: Mga parcel na ide-deliver, hinahagis na parang laruan sa truck

Sapul sa camera ng isang concerned citizen ang nakababahalang serbisyo ng isang delivery service provider sa mga produktong ipapadala pa lamang.

Sa kumalat na video, makikita kung paano pinaglalaruan at hinahagis ng mga tauhan ng J&T Express ang mga parcel na ide-deliver sa isang cargo truck.

Umani ng mahigit 1 million views ang kontrobersiyal na kuha na unang ipinost sa Facebook noong Lunes, Hunyo 22.


Kasabay nito, inulan ng reklamo at batikos ang sangkot na courier service sa umano’y palpak nilang trabaho.

Giit ng mga tumatangkilik sa online shopping, tila wala raw sa bokabolaryo ng mga trabahante ang linyang “handle with care,” dahilan para mabasag, masira, o mawala ang ilang biniling produkto.

Hirit naman ng ibang online seller, maayos raw nilang pinapadala ang order ng mga suki pero sa delivery daw pala nagkakaroon ng problema.

Samantala, humingi na ng paumanhin ang pamunuan ng J&T Express hinggil sa pangyayari. Mapagkumbabang inako ng kompanya ang responsibilidad at sinabing hindi nila ito-tolerate ang nasabing gawain.

Tukoy na rin ng organisasyon kung sinu-sino ang nasa likod ng viral video na papatawan nila ng kaukulang parusa sa lalong madaling panahon.

“We would also like to assure the public that this is an isolated case. All of our facilities, including our branches and warehouses across the country, are under 24/7 monitoring. We also follow strict protocols in handling the shipments and ensure that these are handled with proper care,” anang J&T Express.

Facebook Comments