Pinaiimbestigahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nag-viral na insidente sa pagitan ng ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) at isang empleyado ng Migrant Workers Office (MWO) sa Bahrain.
Sa press briefing sa New York, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro, na hindi nagustuhan ng pangulo ang nangyaring komprontasyon kung saan makikita sa kumakalat na video ang umano’y hindi magandang pakikitungo ng MWO employee na kinilalang Anthony Allermo sa mga OFW na humihingi ng tulong.
Dahil dito, agad na inatasan ni Pangulong Marcos si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na magsagawa ng imbestigasyon at tiyaking may kaukulang aksyon sa insidente.
Sa ngayon, ni-recall na si Allermo sa kaniyang home office habang nagpapatuloy ang administrative investigation laban sa kanya.
Giit ni Castro, malinaw ang utos ng pangulo na dapat tulungan at pakinggan ang mga OFW, lalo na ang mga kababayang naapektuhan ng patuloy na tensyon at sitwasyon sa Middle East.










