PANOORIN: Panindang lobo ng lalaki, pinagtripan sunugin ng ilang kabataan

2230
Contributed Video

Nagtamo ng second degree burn ang isang tindero sa Pandacan, Maynila matapos ‘mapagtripan’ ng ilang kabataan na sunugin ang paninda niyang lobo.

Sa ngayo’y viral na CCTV footage, makikitang tumabi ang tatlong magbabarkada sa kumpol ng mga lobo na nakapuwesto sa gilid ng isang barangay hall.

Matapos ang sandaling pag-uusap, pasimpleng siniliban ng isa sa mga pasaway ang inilalakong lobo. Agad silang kumaripas ng takbo at iniwan itong nagliliyab.

Pero nagpapahinga pala sa ilalim ng mga lobo ang nagtitindang si Oliver Rosales na napatalon habang inaapula ang apoy.

 

Dumikit sa ulo at braso ng biktima ang mga nalusaw na lobo, dahilan para magkaroon siya ng sugat at pasa.

Ayon sa uploader, naganap ang insidente sa Zamora Street, Barangay 842, sa Pandacan, Maynila noong Miyerkoles.

Pahayag ni Brgy. Captain Celso Esteban, pitong kalalakihan ang dawit sa insidente na naninirahan sa karatig barangay. Lima umano sa mga suspek ay pawang menor de edad.




Nagkaharap naman kahapon sa barangay ang kaanak ng naagrabyado at mga kabataang nantrip.

Subalit sa kabila ng sinapit, pumayag ang tatay ng tindero na makipag-areglo sa pamilya ng mga pasaway.

Nagkasundo umano ang dalawang panig na magbabayad ng P35,000 para sa pampapagamot ni Rosales.

Facebook Comments