VIRAL: Pulis, nagpalayas umano ng pamilyang ‘di makabayad ng upa sa gitna ng ECQ

Facebook video/Mary Cuer Nobleza

Pinaiimbestigahan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang isang pulis na nagpalayas umano ng pamilyang ‘di makapagbayad ng upa sa kasagsagan ng enhanced community quarantine (ECQ).

Ayon sa uploader ng viral video na si Mary Cuer Nobleza, pinaalis daw sila ng pulis noon pang Abril 12 dahil dalawang buwan na silang hindi nakakapagbayad sa inuupahang bahay sa Barangay 145.

Nagpasya lang silang ilabas ang video noong Miyerkules sa Facebook, matapos na hindi pumayag ang opisyal na makuha nila ang mga naiwang gamit sa bahay hangga’t ‘di pa raw nababayaran ang utang.


Ilan sa kanilang mga gamit ay itinapon na raw ng pulis na pinagbantaan pa umano ang uploader na “kakalbuhin” kapag nagkita sila.

 

Ngunit nang makarating sa programang “Raffy Tulfo in Action”, dumipensa ang pulis na nakilalang si Sergeant Alex Macarunay na hindi niya sinisingil ng upa ang nagreklamong pamilya at nilinaw na nangyari ang insidente dahil “pasaway” ang mga tenant.

Inutusan umano ni Macarunay ang kanyang anak na puntahan ang grupo na inirereklamong nag-iinuman sa kabila ng pagbabawal nito sa ECQ, ngunit imbis na tumigil, naghamon pa raw ang mga ito na magharap-harap sila sa barangay.

Sa guidelines na inilabas ng Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Trade and Industry (DTI) sa unang phase ng Luzon-wide ECQ, nagbigay ng 30-day grace period para sa residential at commercial rent.

Facebook Comments