Sinermunan na, sinabunutan pa ng isang pulis ang sinitang rider na lumabag umano sa patakarang bawal ang angkas sa Wao, Lanao del Sur.
Nag-viral sa Facebook nitong Lunes ang insidente na nakuhanan ng concerned netizen na si James Patrick Garcia Lamerez.
Sa video, pinagdiinan ng ‘di pa nakikilalang pulis sa lalaking rider na bawal ang angkas, saka sinundan ng paghila sa buhok nito.
Batay naman sa post ni Lamerez, dumiretso ang rider para sana ihatid ang misis na pasasakayin sa kaibigan niyang mayroong tricycle.
Sinusubukan din daw magpaliwanag ng lalaki sa opisyal ayon sa post, ngunit hindi ito pinakikinggan.
Ayon sa ulat ng Northern Mindanao Daily Source, nakarating na sa awtoridad ang insidente at inihahanda na ang kaukulang parusa sa sangkot na pulis.
“The police in the video is under investigation since Monday, immediately after the incident. The Provincial Director of LDSPPO ordered a restriction and disarmed the person involved, administrative charges will be filed against the person,” pahayag ni Bangsamoro Police spokesperson P.Capt. Jemar Delos Santos sa ulat.