Pananagutin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang viral na Takoyaki shop oras na mapatunayan na wala itong promotional permit bago nila isagawa ang kanilang marketing stunt.
Kamakailan ay nag-viral sa social media ang April fools prank ng naturang shop na umano’y magbibigay ng pabuyang P100,000 sa unang makakapagpapa-tattoo ng logo nila sa noo pero kalauna’y inamin ng may-ari na ito ay scripted lamang para dumami ang kanilang sales.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DTI Consumer Protection Group Asec. Amanda Nograles, sa ilalim ng depinisyon ng marketing sales promotion, ginagawa ito para tumaas ang sales at brand kaya dapat kumuha ng permit.
Gayunpaman, kahit may promotional permit ang isang marketing stunt ay may mga pamantayang tinitignan ang DTI bago ito isagawa.
Partikular dito ang mechanics ng promotion, sino ang sakop at paano manalo at kung wala bang immoral o ilegal sa pinagagawa nila sa mga konsyumer tulad ng pangloloko o scam.
Sa oras aniya na mapatunayan ng DTI na inaabuso ito ng mga business owner ay maaari nilang i-revoke o ikansela ang business registration name ng isang negosyo.
Sa huli, nagpaalala si Nograles sa mga negosyante na huwag abusuhin ang business registration na ipinagkaloob ng DTI at gamitin ito sa tamang paraan.