
Tiniyak ni House Committee on Ethics and Privileges Chairman at 4Ps Party-list Rep. JC Abalos na hindi babalewalain ang panonood ng isang kongresista sa kanyang cellphone ng sabong habang nasa session ng Kamara.
Pero diin ni Abalos, ang kanilang magiging aksyon hinggil dito ay idadaan sa tama, marangal at makatarungang paraan ng pagwawasto sa mga pagkakamali ng mga mambabatas.
Diin ni Abalos, mayroong dapat sundin na tamang proseso, mekanismo at pamantayan ang Kongreso pagdating sa pagdidisiplina sa kanilang mga miyembro.
Binanggit naman ni Abalos na sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na pormal na reklamo laban kay AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones na umamin na sya ang nasa viral na video at larawan na nanood ng sabong sa session nitong Lunes.
Kasabay nito ay pinaalalahanan ni Abalos ang mga mambabatas na mag-obserba ng tamang decorum o asal sa lahat ng oras.









