Sasabayan ng kilos protesta ng iba’t ibang grupo ang ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.
Kabilang sa mga magsasagawa ng kilos protesta ay ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Bayan, Anakpawis, Kilusang Mayo Uno (KMU) at Nagkaisa Labor Coalition (NLC).
Mula sa tradisyunal na pagsusunog ng effigy sa kalsada, ang grupong Bayan ay gagamit ng Virtual Effigy kung saan mapapanood na lamang sa video ang isang effigy na sinusunog.
Sasamahan sila ng Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA) na gagamit ng stop motion animation kung saan ipapakita ang pagkakaisa ng lahat laban sa kalupitan ng administrasyon.
Ang KMP at Anakpawis ay dadalhin ang kanilang protest art na pinamagatang “Peasant Lives Matter” sa kanilang protest march sa UP Diliman.
Iginiit naman ng grupong Nagkaisa na hindi maaaring hulihin ng mga awtoridad ang mga taong ipinapahayag lamang ang kanilang saloobin sa pamahalaan.
Magkakaroon ng misa para sa hustisya at kapayapaan na gaganapin ng alas-12:00 ng tanghali sa Quiapo Church sa Maynila at mapapanood sa One Faith One Nation Voice Facebook Page.
Mayroon ding “Tinig ng Bayan” online concert mamayang alas-3:00 ng hapon na susundan ng noise barrage sa ABS-CBN Compound sa Quezon City.