Hindi inaalis ng Malacañang ang posibilidad na ihahatid ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) sa pamamagitan ng video conference sa July 27, 2020.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, itinuturing na “safe fallback position” ang pagsasagawa ng SONA online.
Ang iba pang option ay magtatalumpati ang Pangulo sa limitadong bilang ng mga mambabatas sa Batasang Pambansa sa Quezon City lalo na at ipinagbabawal pa rin ng pamahalaan ang malalaking pagtitipon para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Hindi naman aniya nakasaad sa Konstitusyon kung saan lamang maaari ang Pangulo na maghatid ng kanyang SONA.
Sa ilalim ng Konstitusyon, inaatasan ang Pangulo na magbigay ng taunang ulat sa bayan kasabay ng pagbubukas ng regular session ng Kongreso tuwing ika-apat na Lunes ng Hulyo.