Iminungkahi ni Cagayan De Oro City Representative Rufus Rodriguez, na higpitan ang kontrol sa Visa Application ng mga Chinese nationals na nais pumasok sa bansa bilang mga mag-aaral at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) workers o kahit turista at negosyante.
Hirit ito ni Rodriguez sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa mga diplomatic posts ng Pilipinas sa China sa gitna ng tumitinding tension sa West Philippine Sea dahil sa pagiging agresibo ng China.
Giit ni Rodriguez, dapat maging mas komprehensibo at mahigpit ang “vetting process” o pagsuri sa Chinese Visa applicants para sa kaayusan, kapayapaan, at seguridad ng buong bansa.
Ipinunto rin ni Rodriguez na maraming Chinese nationals sa bansa na nagtatrabaho sa POGO ang sangkot sa ilegal na aktibidad o iba’t ibang krimen tulad ng pagpatay, pangongotong, at kidnapping na nagdudulot ng problema sa lipunan dahil sa pagiging sangkot sa prostitusyon.
Kaugnay nito, hiniling din ni Rodriguez sa DFA, Bureau of Immigration, at Commission on Higher Education na magsagawa ng inventory sa mga Chinese citizens na nag-aaral sa mga unibersidad lalo na sa mga lugar na malapit sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa.