Kinumpirma ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na kinansela ng United States Embassy ang lahat ng visa appointments na naka-schedule hanggang Marso.
Ayon sa POEA, apektado ng cancellation ang visa applications para sa H-1B, H-2B, L-1 at J applicants sa intern, trainee, teacher, camp counselor, au pair o summer work travel program, maging ang asawa o anak ng mga sakop na aplikanteng nag-a-apply para sa H-4, L-2 o J-2 visas.
Ang cancellation ay alinsunod sa paglagda noong December 31, 2020 ng Presidential Proclamation on Suspension of Entry of Immigrants and Non-immigrants.
Pagtitiyak ng mga embahada at konsulada ng Amerika na patuloy pa ring makakapag-avail ang publiko ng emergency at mission-critical visa service.
Magbabalik ang visa operations kapag bumuti ang sitwasyon sa Pilipinas at sa iba pang panig ng mundo.
Ang mga aplikante ay maaaring i-reschedule ang kanilang visa interviews sa pamamagitan ng Embassy call center o sa pamamagitan ng online appointment system.
Ang rescheduling ng appointment ay libre at ang validity ng visa payment ng mga aplikante ay pinalawig hanggang September 30, 2022.