Visa o entry ban sa Kuwait, para lamang sa mga newly hired Filipinos

Ayon kay Department of Migrant Workers o DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac, limitado lamang sa mga newly hired Filipinos ang visa o entry ban sa Kuwait.

Sa pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs ay sinabi ni Cacdac na nasa 800 ang mga bagong magtatrabaho sa Kuwait na posibleng maapektuhan ng ban.

Sabi ni Cacdac, hindi saklaw ng naturang ban ang mga tinatawag na return hires o balik manggagawa dahil sila ay mayroon ng proof of residency o national residency ID na hinahanap pagdating sa immigration.


Binanggit ni Cacdac na sa ngayon ay nasa 9 na Overseas Filipino Workers (OFWs) na hindi nakapasok sa Kuwait ang natulungan ng DMW habang ang iba pang apektado ay hinahanapan na rin nila ng alternatibong bansa kung saan pwede silang magtrabaho.

Sa tingin ni Cacdac at ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, ang entry ban na ipinatupad ng Kuwaiti government ay posibleng tugon sa temporary deployment ban ng Pilipinas sa household service workers kasunod ng pagkamatay ni Jullebee Ranara.

Facebook Comments