Visayan Electric dapat mag-refund kung napatunayang sobra ang singil – Gatchalian

Iginiit ni Committee on Energy Chairman Senador Sherwin ‘Win’ Gatchalian sa Energy Regulatory Commission (ERC) na iutos sa Visayan Electric Company (VECO) ang pagbibigay ng refund sa mga nasasakupan nito.

Ayon kay Gatchalian, ito ay kung mapapatunayan na may mga paglabag na nagawa ang VECO na dahilan kaya mataas ang naging singil nitong kuryente.

Ginawa ni Gatchalian ang panawagan matapos maglabas ng kautusan noong ika-4 ng Enero 2021 ang ERC sa VECO upang ipaliwanag ang mataas nitong singil ng kuryente mula Enero hanggang Oktubre ng nakaraang taon.


Sa nasabing 10 buwan, bumili ng suplay ng kuryente ang VECO sa Cebu Private Power Corp. sa halagang mahigit ₱35 kada kilowatt hour at pumalo ang generation rate ng hanggang ₱1,470.90 kada kWh noong Setyembre 2020.

Ipinaalala ni Gatchalian na Batay sa Section 23 ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), ay inaatasan ang mga distribution utilities, katulad ng VECO, na mag suplay ng kuryente sa presyong abot-kaya ng merkado nito.

Facebook Comments