Visayas Command, iniimbestigahan na ang hindi otorisadong presensya ng Chinese Research Vessel sa teritoryo ng bansa

Nakipag-ugnayan na ang Visayas Command sa iba’t-ibang maritime law enforcement agencies sa Region 8 para imbestigahan ang presensya ng unauthorized Chinese research vessel na ” SHEN KUO” sa bisinidad ng Easter Samar.

Ayon kay VISCOM Commander, Lieutenant General Fernando Reyeg, partikular na hiniling nila sa Philippine Coast Guard (PCG) ang pagsasagawa ng surveillance at imbestigahan ang posibleng iligal na gawain na isinasagawa ng barkong ito sa lugar.

Ang sasakyang pandagat ay namataan kahapon ng umaga sa baybayin ng Sulat, Eastern Samar.


Unang na-monitor ang naturang research vessel sa isla ng Rapu Rapu sa Albay noong Abril 25, at pagkatapos ay sa binisidad naman ng Viga, Catanduanes noong Abril 28.

Ani Reyeg, ang research vessel ay naglayag mula sa Shekou Wharf, Shenzhen, Guangdong, China noong April 19.

Napag-alamang kulang ito sa kinakailangang diplomatic clearance upang pumasok at lumabas sa karagatan ng bansa.

Nauna nang sinabi ni Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commodre Roy Vincent Trinidad na na-monitor nila na nagbaba ng unidentified equipment ang Shen Kou sa East ng Catanduanes na posibleng gamit sa maritime research.

Inangat umano ang equipment at binaba mula sa barko pero hindi naman tuluyang ibinagsak sa karagatan.

Facebook Comments