Kasunod ng matagumpay na pagdaraos ng Barangay at Sanguniang Elections (BSKE) sa Negros Oriental, pinaghahandaan naman ngayon ng Armed Forces of the Philippines Visayas Command (AFP-VISCOM) ang Special Elections sa ikatlong distrito ng naturang lalawigan.
Ang Special Elections ay para sa pagpili ng bagong kinatawang ng 3rd district ng lalawigan, matapos na mapatalsik ng House of Representatives si Congressman Arnulfo Teves Jr. dahil sa pag-abandona sa kanyang pwesto at indecent behavior.
Ito’y matapos na maakusahang mastermind si Teves sa likod ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Batay sa COMELEC Resolution 10945, isasagawa ang Special Elections sa Disyembre 9, kung saan ang filing of certificates of candidacy (COC) ay kahapon, Nobyembre 6 at ang campaign period ay mula Nobyembre 9 hanggang Disyembre 7.
Sinabi ni VISCOM Commander Lt. General Benedict Arevalo, na magde-deploy ng karagdagang tropa ang militar kung kinakailangan para sa seguridad, at makakaasa ang publiko ng maayos at mapayapang halalan sa ikatlong distrito ng Negros Oriental.