Visayas grid, isasailalim sa yellow alert mamayang hapon dahil sa manipis na reserbang kuryente

Itataas ang yellow alert status sa Visayas grid mamayang hapon dahil sa manipis na reserbang kuryente.

Ang yellow alert ay itinataas kapag mas mababa ang suplay ng kuryente kaysa karaniwan dahil sa pagnipis ng mga reserba.

Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ipatutupad ang yellow alert bandang alas-3:00 hanggang alas-8:00 ng gabi.

Dahilan pa rin ng pagpapatupad ng yellow alert ang force outage ng 14 na planta sa pagitan ng April hanggang November; apat mula 2024, at dalawang iba pang power plants ang hindi gumagana noon pang 2023.

Nasa 14 naman ang gumagana pero limitado lamang ang kapasidad.

Kabilang sa mga factor na nakadagdag sa yellow alert ang pagpalya ng TVI 1 at 2 na may tig-169 MW, at ang emergency shutdown ng LGPP 3.

Samantala, nanatili namang normal ang kondisyon ng Luzon at Mindanao grid.

Facebook Comments