Naungusan na ng Visayas ang Luzon at Mindanao pagdating sa pagtaas ng naitatalang kaso ng COVID-19.
Ayon kay Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau Director Alethea de Guzman, sa loob ng dalawang linggo, nakapagtala ang Western Visayas ng 63 percent growth rate, Central Visayas na may 59 percent at Eastern Visayas na may 118 percent.
Aniya, ang pagtaas ng kaso sa Visayas ay dahil sa pagbaliwala sa standard health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, palagiang paghuhugas ng kamay at physical distancing.
May ilan din aniyang nagsasagawa ng mga pagtitipon na nagiging superspreader events kabilang na ang mga work places.
Sa kabila nito, iginiit ni De Guzman na hindi pa rin dapat magpabaya ang mga nasa NCR Plus 8 at iba pang lalawigan dahil nananatili ang banta ng virus.