Vlogger inaresto matapos mamasyal sa mall at magpanggap na infected ng nCoV sa Albay

Mahaharap  sa reklamong alarm and scandal ang isang vlogger makaraang sabay sabay na tumakbo ang mga tao palabas ng isang mall sa Legazpi City sa Albay matapos matakot.

Ito ay dahil sa ginawa niyang vlog o kunwaring scenario na siya ay nabuwal at humandusay sa mall dahil sa infected umano siya ng 2019 novel corona virus o nCoV.

Ayon kay Albay Police Provincial Spokesperson Dexter Panganiban, ang vlogger ay kinilalang si Rolando Frondozo 35-anyos residente ng Barangay Bigaa, Legaspi City Albay.


Sa inisyal na report ng PNP, alas 6:00 ng gabi kagabi mabagal naglalakad sa loob ng Yashano Mall sa Legazpi City si Frodonzo alyas Uragon blogger nang matumba ito sa pinaka entrance ng mall habang kinukunan ng video nang kanyang mga kasamahan.

Sa nangyari, natakot ang mga tao sa loob ng mall at nagtatakbo palabas.

Bumangon din naman ang vlogger makalipas ang ilang sandaling pagkakahandusay sa entrance ng mall  at nagpaliwanag na ang kanyang ginawa ay para sa kanyang pag-vlog.

Humingi naman ng paumanhin ang vlogger sa publiko dahil sa kanyang ginawa.

Matatandaang una nang nagbabala ang Department of Health o DOH sa publiko na huwag basta naniniwala sa mga naglalabasang maling impormasyon sa social media kaugnay ng nCoV sa halip manatili lamang updated sa mga impormasyon mula sa DOH at World Health Organization (WHO).

Facebook Comments