
Habambuhay nang hindi makakapagmaneho ang vlogger na si Norman Mangusin o na nagpapakilala ring Francis Leo Marcos.
Tuluyan na kasing ni-revoke ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license nito matapos ireklamo ng netizens nang kumalat sa social media ang kanyang video na nagmamaneho na may nakakabit na pekeng plaka at hindi nakasuot ng seatbelt.
Nakita rin sa viral video ang madalas nitong pagtingin sa camera ng mobile phone habang nagmamaneho na sagabal sa kanyang paningin sa kalsada na posibleng maging dahilan ng aksidente at panganib sa mga kapwa motorista.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, hindi umano sumipot ang naturang vlogger sa itinakdang hearing ng LTO- Intelligence and Investigation Division (IID) upang magsumite ng kaniyang verified comment/explanation para ipaliwanag ang panig nito kung bakit hindi siya dapat patawan ng mga kasong paglabag sa Failure to Attach Authorized Motor Vehicle License Plate, Mandatory Use of Seatbelt, Distracted Driving, Reckless Driving at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Ipinaliwanag ni Asec. Lacanilao na dahil sa pagbalewala ng vlogger sa naunang inilabas na Show Cause Order ng LTO, tuluyan nang ni-revoke ng ahensya ang kaniyang driver’s license at mananatiling naka-alarma ang Ford Expedition habang hindi pa sumasailalim sa kumpletong roadworthiness inspection sa LTO Motor Vehicle Inspection Facility.









