Pormal nang nagsampa ng reklamo si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles laban sa vlogger na si Claire Contreras alyas Maharlika.
Inihain ang reklamo sa Central District Court ng California dahil sa umano’y paninira sa kanilang pamilya at sa mismong PCSO.
Ayon kay Robles, layon nitong mahinto na ang paninira at pangha-harass sa reputasyon at dignidad kanilang pamilya.
Sina Robles ay maraming beses nang laman ng mga paninira sa vlog ni Maharlika sa loob ng halos isang taon.
Wala umanong ideya ang kanilang pamilya sa dahilan ng galit ni Maharlika.
Sinabi pa ni Robles na dapat nang matigil ito lalo na’t labis ang ginagawang paninira gaya ng pagnanakaw umano niya ng pera mula sa taumbayan, pagpatay at maging pag-tulong sa mga terorista.
Tinawag naman si Maharlika na umano’y “reyna ng fake news” dahil sa mga paninira nito sa iba pang opisyal ng kasalukuyang administrasyon.
Siya rin ang isa sa sinasabing pinagmulan ng pagpapakalat ng “polvoron video” na isang pekeng video kung saan gumagamit umano ng iligal na droga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.