Vlogger na si Rosmar Tan, pormal nang umatras sa kandidatura sa Maynila

Pormal nang iniatras ng social media personality at negosyanteng si Rosmar Tan Pamulaklakin ang kaniyang kandidatura.

Si Rosmar ay naghain ng Certificate of Candidacy noong Oktubre ng nakaraang taon para tumakbo sanang konsehal ng lungsod ng Maynila.

Ngayong hapon nang magtungo si Rosmar sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros upang ihain ang certificate of withdrawal.


Ayon sa vlogger, wala raw talaga siyang balak na pumasok sa politika at sinubukan niya ito sa paniniwalang mas marami siyang matutulungan kapag nasa posisyon.

Aminado si Rosmar na lahat daw ng partido ng mga tatakbo sa pagka-alkalde sa Maynila ay nanligaw sa kaniya na sumama sa kanilang lineup.

Pero tinanggihan niya ang lahat ng ito at tumakbo bilang independent.

Sinabi pa ni Rosmar na habang tumatagal ay namulat na raw siya sa pulitika na tinawag niyang hindi maganda.

Naging dahilan din daw ang kaniyang pagbubuntis na nasa ikatlong buwan na ngayon.

Sa kabila naman ng kaniyang pag-atras, siniguro ng vlogger na tuloy pa rin daw siya sa pagtulong sa mga nangangailangan nang hindi na ngayon mababahiran ng pamumulitika.

Facebook Comments