Vlogger na si Yanna Vlog na nag-viral dahil sa Zambales road rage, pinatawag ng LTO

Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Office (LTO) ang kilalang motorcycle vlogger na si Yanna Vlog na nag-viral sa Zambales road rage incident.

Sa video na kumalat sa social media, makikita si Yanna na nagtaas ng gitnang daliri sa isang driver ng pick-up matapos umano itong magmaneho nang pabaya.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, bilang isang vlogger, dapat sana ay ginamit ni Yanna ang kanyang impluwensya sa social media upang itaguyod ang responsableng pagmamaneho at kaligtasan sa kalsada.

Sa halip, nakita pa siyang nakikipagtalo at nagsalita ng hindi maganda sa kapwa motorista kahit umalis na ito sa lugar.

Sinabi naman ni Department of Transportation Secretary Vice Dizon na hindi palalampasin ng pamahalaan ang iresponsableng driver upang matiyak ang kaligtasan ng lahat sa lansangan.

Bagaman humingi na ng paumanhin si Yanna matapos siyang batikusin online, tuloy pa rin ang imbestigasyon ng LTO.

Muling iginiit ng ahensya na walang mabuting naidudulot ang init ng ulo sa kalsada at patuloy nilang pananagutin ang mga lumalabag sa batas trapiko.

Facebook Comments