Vlogger, nagbirong may nCoV; inulan ng batikos sa social media

Courtesy Jhon Lawrence Morada

LEGAZPI CITY, ALBAY – Inulan ng batikos sa social media ang isang vlogger matapos magbirong tinamaan siya ng kinatatakutang sakit na novel coronavirus (2019-nCoV-ARD).

Sa kuhang video ni Jhon Lawrence Morada, papasok sa loob ng mall ang lalaking nakasuot ng puting t-shirt at face mask nang biglang bumagsak at tila hinimatay. Maya-maya pa, nagsimula na siyang mangisay.

Pero makalipas ang ilang segundo, bumangon ang nakadapang lalaki at nag-unat ng buto.


Nagdulot ng takot at pangamba sa mga mamimili ng establisyimento ang ginawang prank ng lalaki na kinilalang si Uragon Vlogger o Marlon de Vera sa totoong buhay.

Sa panayam kay Vince Baltazar, konsehal sa naturang siyudad, maitututuring na grave scandal ang hindi nakakatuwang biro ni de Vera sa pampublikong lugar.

Batay sa Revised Penal Code, puwedeng makulong mula anim na buwan pataas ang sinumang mapapatunayang nagkasala.

Samantala, inamin ng lalaki sa kaniyang vlog post ang pagkakamali at taos-puso daw siyang humihingi ng paumanhin sa publiko.

https://youtu.be/E5mn-UWuzzs

“Lesson learned po ito sa akin at sa management po ng mall na na-prank ko sana po mapatawad ninyo po ako ulit… Sa ngayon po hindi ko alam ang gagawin ko, humihingi po ako sainyo ng advise o kung anuman po na pwede ninyong maitulong sa akin,” bahagi ng public apology ng vlogger.

Facebook Comments