Vocational courses sa Senior High School, nais palakasin ni PBBM

Nais palakasin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga vocational courses sa bansa upang makakuha agad ng trabaho ang mga mag-aaral na makakapagtapos ng high school.

Sa sectoral meeting sa Malacañang, inatasan ng pangulo ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na maglagay ng Technical and Vocational Education and Training o TVET sa lahat ng track sa Senior High School para sa karagdagang kasanayan at sertipikasyon ng mga mag-aaral.

Ayon kay Pangulong Marcos, kailangan ang mga training na nakakasabay sa panahon upang makapagtrabaho ang mga estudyante kahit hindi pa nakakatuntong sa kolehiyo.


Matagal na panahon na kasi aniya ang livelihood programs at skills training tulad ng dressmaking at cosmetology pero hindi naman nakakakuha ng trabaho ang mga nagsanay nito dahil hindi ito in-demand sa kasalukuyan.

Kaugnay nito, sinabi naman ng TESDA na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Education (DepEd) para sa planong isama sa curriculum ng senior high ang training sa bookkeeping.

Bibigyan aniya ng national certificate ang mga estudyanteng makakapasa nito at maaaring magamit sa papasukang trabaho.

Facebook Comments