
Patuloy na nakakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng volcanic tremors sa Bulkang Taal sa Batangas.
Ayon sa PHIVOLCS, nakapagtala sila ng limang volcanic tremors sa nakalipas na 24 oras na may kabuuang tagal na pitong oras at 30 minuto.
Nitong nagdaang araw ng linggo, nagtala ang PHIVOLCS ng 19 volcanic earthquakes at 17 volcanic tremors.
Mula August 1 hanggang August 9, ang bulkan ay nagtala naman ng apat na volcanic earthquakes at isang volcanic tremor.
Nagtala rin ang bulkan ng nasa 374 metric tons ng asupre.
Ayon sa PHIVOLCS, ang Taal Volcano Network (TVN) ay nakakapagtala nang pataas na real-time seismic energy measurement (RSAM) kasabay ng volcanic tremor mula nitong nagdaang linggo.
Patuloy na pinapayuhan ng PHIVOLCS ang publiko na huwag lalapit sa Taal Volcano island laluna sa may main crater dahil sa banta ng phreatic explosions, volcanic earthquakes, minor ashfall at pagluwa ng asupre.
Binabawalan din ang anumang uri ng aircraft na lumapit sa may bunganga ng bulkan dahil sa abo at ballistic fragments na inilalabas nito kapag may hindi inaasahang pagsabog sa bulkan.









