Nagbabala ang PHIVOLCS sa posibilidad ng volcanic tsunami sa oras na magtuloy-tuloy ang pagbuga ng maiitim na abo at magma mula sa Bulkang Taal.
Ayon kay Ma. Antonia Bornas, Chief ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng PHIVOLCS, pinag-iingat ang publiko sa posibilidad na magkaroon ng volcanic tsunami lalo na sa oras na umakyat sa alert level 5.
Ilan pa sa mga inaasahang “worst case scenario” ang pag-liquefy o paglambot ng lupa sa paligid ng lawa.
Sakali namang mag-uulan ay asahan ang pagkakaroon ng lahar.
Sinabi ni Bornas na karaniwang nagsisimula sa maliliit ang aktibidad ng Bulkang Taal kung saan nagsisimula ito sa phreatic eruption at sinusundan ng lava fountaining.
Dagdag pa nito, ilan sa mga palatandaan din ng pag-aalburuto ng Taal ang pagbibitak-bitak ng lupa dahil sa paglalabas ng magma na minsan nang naitala noon sa bayan ng Lemery, Taal at San Nicolas.