Manila, Philippines – Naniniwala ang Philippine Volcanology and Seismology o Phivolcs na posible ring mangyari sa bansa ang volcanic tsunami gaya sa Indonesia.
Ang volcanic tsunami ay ang pagyanig ng lupa sa ilalim ng tubig dulot ng pagsabog ng bulkan.
Ayon kay Dandy Camero, Phivolcs science research assistant – ang pangyayaring ganito ay hindi na bago sa Pilipinas.
Aniya, taong 1911 at 1965 nang magdulot ng volcanic tsunami ang pagputok ng bulkang Taal kung saan umabot ng limang metro ang taas ng alon.
Taong 1969 naman nang lumikha ng tsunami ang bulkang Didicas sa Cagayan.
Dagdag ni Camero – anim na bulkan sa Pilipinas ay pinalilibutan ng tubig.
Bukod sa bulkang Taal sa Batangas at Didicas sa Cagayan, kabilang din ang Babuyan Claro, Camiguin de Babuyanes, Hibok-Hibok sa Camiguin at ang Bud Dajo sa Sulu.
Sinabi ni Camero na may mga instrumento silang ginagamit para mabantayan ang aktibidad ng bulkan.
Payo ng Phivolcs, dapat alam ng bawat komunidad kung gaano sila kalapit o kalayo sa hazard areas at makipagtulungan sa mga awtoridad para makaiwas sa sakuna.