SA PAGSISIKAP ng Globe na mabigyan ng mas mahusay na experience sa mobile ang mga customer nito, naging posible na magkaroon ng serbisyong Voice Over LTE (VoLTE) ang mga postpaid customer na magagamit sa may 94% ng mga bayan sa bansa.
Sinabi ng telco na ang rollout ng makabago at mas malawak na network ay nagbigay ng karagdagang paraan ng pagtawag para makakonekta ang mga customer sa kanilang mga mahal sa buhay, at makapaghanapbuhay, makapag-aral, at gumawa ng iba pang mga aktibidad online.
“Sa ngayon, 30% na ng aming mga postpaid customer ang aktibong gumagamit ng VoLTE. Umaasa kami na sa mga darating na buwan, mas marami pang mga customer ang susubok sa bagong serbisyong ito dahil makapagbibigay ito ng mahusay at mas kaaya-ayang karanasan sa kanila,” sabi ni Issa Guevarra-Cabreira, Globe Chief Commercial Officer.
Ang VoLTE ay pamantayan ng high-speed na wireless na komunikasyon para sa mga mobile phone na gumagamit ng 4G LTE sa halip na tradisyunal na mga 2G at 3G na voice network.
Kung ikukumpara sa lumang voice services ng 2G at 3G, maraming pakinabang ang VoLTE. Mayroon itong tatlong beses na higit na voice capacity kaysa sa 3G at hanggang anim na beses na higit pa kumpara sa 2G. Dahil dito, nakakayanan ng network ang mas maraming sabay-sabay na pagtawag, mas mabilis na pag-set up ng tawag, mas malinaw na kalidad ng voice call, at mas mababang pagkakataon ng dropped calls.
Para sa tuloy-tuloy na karanasan sa pagba-browse sa mobile, online gaming, at video streaming, pinapayagan din ng VoLTE ang sabay na pagkonekta sa internet at pagtawag.
Bukod sa VoLTE, mayroon ding Voice over WiFi (VoWiFi) o WiFi Calling na makatutulong na matugunan ang mga problema ng mobile coverage sa loob ng mga bahay at gusali.
May mga pagkakataon na mahina ang signal dahil ang voice calls ay naaapektuhan ng distansiya sa pagitan ng mobile phone at ng pinakamalapit na network tower, at ng mga pader na pumipigil sa pagpasok ng wireless signal. Kung malakas ang signal ng WiFi at mayroong mobile phone na may kakayahang gumamit ng VoWiFi, maaaring magamit ng mga customer ang kanilang WiFi para tumawag sa telepono.
Ang mga tawag sa VoLTE at VoWiFi pati na rin ang pagsingil dito ay tulad ng mga regular na tawag sa telepono. Maaari ring mag-subscribe sa unli-VoLTE at unli-VoWiFi na promo. Gumagana rin ang VoWiFi sa anumang WiFi network.
Nananatiling positibo ang reaksiyon ng mga Globe customer sa VoLTE at VoWiFi. Ayon sa ilang mga customer, ang VoWiFi ay isang “tagapagligtas” at “napakakapaki-pakinabang sa pagtawag kahit na nasa loob sila ng kanilang mga tahanan sa kani-kanilang mga subdibisyon.”
Maaaring tingnan ng mga customer ng Globe ang mgaFAQ para malaman kung may kakayahan ang kanilang mobile phone para sa VoLTE, makita ang mga lokasyon kung saan ito pwedeng magamit, at magkaroon ng karagdagang kaalaman tungkol sa serbisyo.
Idinagdag pa ni Cabreira na isinasagawa ng Globe ang mga probisyon para masakop na ang natitirang anim na porsiyento ng mga lugar sa bansa na hindi pa kabilang sa serbisyo ng VoLTE.
Ang walang tigil na pagsisikap ng Globe na mapagbuti ang estado ng pagkakakonekta ng bansa ay nag-resulta sa pagiging pinaka-consistent na mobile network nito sa dalawang magkasunod na quarters ng 2021, na pinatunayan naman ng Ookla®.
Nanatiling nangunguna ang telco sa mobile consistency sa buong bansa kumpara sa kumpetisyon. Ang Consistency Score ng Globe sa Q1 2021 ay 70.43 at sa Q2 2021 ay 75.98.[1]
Mahigpit na sinusuportahan ng Globe ang United Nations Sustainable Development Goals, partikular ang UN SDG No. 9 na nagha-highlight sa mga papel na ginagampanan ng imprastraktura at pagbabago bilang mga kritikal na driver ng paglago at pag-unlad ng ekonomiya. Nakatuon ang Globe na itaguyod ang mga prinsipyo ng UN Global Compact at mag-aambag sa 10 na UN SDGs.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Globe, bisitahin ang www.globe.com.ph.