Umabot na sa 399,000 ang bilang ng mga sasakyang dumaraan ngayon sa EDSA.
Ayon kay MMDA Traffic Chief Bong Nebrija, 98% ito ng volume ng mga motoristang dumaraan sa EDSA bago nagsimula ang pandemya na umaabot sa 405,882.
Sa kabila nito, iginiit ni Nebrija na hindi pa muna nila ibabalik ang number coding scheme dahil nakikita nilang mas maganda ang sitwasyon ngayon ng traffic sa EDSA.
“Unti-unti na po nating ibinalik yung ibang volume reduction policy natin, yung truck ban at light truck ban, yung tricycle ban, isama niyo na rin po yan. Pero yung number coding, we’re still holding it for the meantime because we want to check the number before we implement it,” paliwanag ni Nebrija.
“Actually, this is what we called surprising ano, if we will base ‘tong numbers, critical na tayo niyan, malapit na tayo mag-100%, bakit hindi namin binabalik? Kasi with that volume, we are still moving, we still have a shorter travel time,” dagdag niya.
Samantala, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Martin Diño, kasunod ng pagluluwag sa quarantine restrictions ay ibabalik na rin nila ang road clearing operations dahil na rin sa inaasahang pagsisikip ng EDSA.
“Ngayong nagluwag na tayo, ibabalik na natin yun paghihigpit sa road clearing operation. Kamuka nito, nagsikip na naman ang EDSA dahil may bayad na yung Skyway 3, so ang gagamitin nating kalsada, iyong Mabuhay lane,” ani Diño
“Kaya umasa kayo, sunod-sunod na naman ang mga demolition at paghatak ng mga sasakyan na nakambalaha lalo na dyan sa Mabuhay lane,” paalala niya.