Manila, Philippines – Pinagkukusa na ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers ang mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Election na magboluntaryo nang sumailalim sa drug test.
Plano ng kongresista na sumulat sa Commission on Elections (COMELEC), para pagtakdain ng timeline ang mga kandidato ng Barangay at SK Election, para sa kanilang voluntary drug testing.
Hinihiling din ni Barbers na kusang isumite ng mga kandidato ang resulta ng kanilang drug test, para sa documentation at publication.
Inirekomenda rin ni Barbers sa Department of the Interior and Local Government (DILG), na papirmahin sa covenant ang mga kandidato kung saan ay kanilang kukundinahin ang iligal na droga gayundin ang pagtitiyak na hindi sila suportado ng sindikato ng droga.
Umapela naman ang kongresista sa publiko na maging maingat sa mga pipiliing iboboto sa Barangay at SK Election.