Volunteer doctors at nurses, dapat na gawing permanenteng empleyado ng gobyerno

Hiniling ni Quezon City Rep. Precious Castelo sa Department of Health (DOH) na gawing permanenteng empleyado ang daan-daang mga doktor at nurses na boluntaryong tumutulong ngayon sa gobyerno sa laban kontra COVID-19.

Giit ni Castelo, sa halip na bigyan ng arawang allowance na ₱500 ang mga doctors at nurses na volunteers ay dapat ikunsidera ng DOH ang recruitment sa kanila para mapunan ang mga bakante o kakulangan sa departamento.

Para sa kongresista, ang kahandaan ng mga ito na harapin ang panganib at lumahok sa laban ng gobyerno sa sakit ay higit pang kuwalipikasyon nila sa trabaho.


Mataas na rin naman, aniya, ang pasahod sa gobyerno para sa mga doktor at nurses lalo na sa mga nagsisimula pa lamang na mag-practice ng kanilang propesyon.

Binanggit ni Castelo na base sa ruling na inilabas ng Korte Suprema noong Oktubre, ang entry pay para sa mga doktor ay salary grade 21 o katumbas ng ₱59,353, habang sa nurses ay salary grade 15 o ₱32,053.

Dagdag pa nito, naglaan rin ang Kongreso ng mahigit ₱3 bilyon sa 2020 national budget para maitaas ang sahod ng nurses sa government hospitals na tumatanggap lamang ng salary grade 11 na sweldo.

Facebook Comments