Binigyang diin ni Senator Sonny Angara ang kahalagahan ng mga Volunteer Health Workers para labanan ang pagkalat ng COVID-19 at maisalba ang buhay ng mga tinatamaan nito.
Dahil dito ay iginiit ni Angara na dapat may hazard pay din ang mga Volunteer Health Workers dahil sa delikadong partisipasyon nila sa mga hakbang ng pamahalaan laban sa COVID19.
Ayon kay Angara, hindi porke volunteer ay libre na ang pagtugon nila sa panawagan ng Department of Health o DOH na tumulong sa Health Sector.
Base sa mga reports, ang mga Volunteers Health Workers ay i-aasign ng DOH sa Lung Center, Philippine General Hospital at Dr. Jose Rodriguez Hospital.
Samantala, patuloy na nagpapagaling sa COVID-19 at naka-isolate sa kanyang tahanan si Senator Angara.
Sa instagram post ng kanyang misis na si Tootsy ay idinetalye nito ang matinding kalungkutan lalo na at may mga tumatangi ng magdeliver ng kanilang mga pangangailangan at mayroon din silang kapitbahay na gustong umalis na sila sa kanilang lugar.
Sa kabila nito ay nagpasalamat naman si Mrs. Angara dahil marami pa rin ang patuloy na nagdarasal para sa paggaling ng Senador, mga tumutulong at nagtyatyagang maghatid sa kanilang bahay ng tubig, mga pagkain, medical supplies, cleaning aid at may nagpadala pa ng oxygen.