Vote buying incident na iniuulat ng media, pinaiimbestigahan sa Comelec

Hinimok ng isang election watchdog ang Commission on Elections (Comelec) na aksyunan agad ang mga ulat na vote buying ngayong panahon ng kampanya.

Ayon kay Prof. Danilo Arao, convenor ng Kontra Daya, maganda sana kung mismong ang mga botante ang magrereklamo laban sa mga kandidatong namimili ng boto.

Pero base sa kanilang karanasan, mahirap asahan na babanggain ng botante ang isang makapangyarihang pulitiko lalo na kung nabibilang ito sa political dynasty.


Dalawang dahilan pa ang nakikita nila kung bakit hindi na nagrereklamo ang mga botante: una, mahal kumuha ng abogado at pangalawa, mabagal na takbo ng hustisya sa bansa.

Kaya naman payo ng Kontra Daya sa Comelec, huwag nang maghintay ng sumbong mula sa mga tao sa halip ay sila na mismo ang mag-imbestiga sa mga insidente ng vote buying na iniuulat ng media.

“Minsan may nakukuha kami na organic mismo, ibig sabihin, sila mismo yung nakakita at sila mismo yung nakaranas ng vote buying. Kaya lang kapag kinakausap namin kung sila ba ay willing to cme forward at willing mag-file ng kaso, sila ay may agam-agam. Kaya ang ginagawa namin, we try our best to bring it to the attention of the people para makinig ang Comelec,” paliwanag ni Arao.

“Pero ang problema sa Comelec ngayon, ayaw nilang i-exercise yung kanilang quasi-judicial at quasi-legislative function kaya hindi pwedeng umasa yung Comelec dun sa simpleng pagsumbong lang. Dapat i-maximize nila yung kanilang independence in terms of conducting yung mga imbestigasyong katulad nito,” dagdag niya.

Samantala, bumuo na ng task force ang Comelec na mag-iimbestiga sa mga kaso ng vote buying.

Facebook Comments