Iminungkahi ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Commission on Elections o COMELEC na palawigin ng 30 hanggang 45 araw ang September 30 deadline ng voter registration para sa 2022 elections.
Paliwanag ni Pangilinan, kailangang dagdagan ang panahon ng pagpaparehistro dahil nasa 15-milyon na kwalipikadong bomoto ang kailangang mahikayat na magparehistro.
Binanggit ni Pangilinan na base sa data na iprinesenta ng COMELEC at sa report ng Philippine Statistics Office, nasa mahigit 73-milyon ang mga Pilipino na kwalipikadong bomoto sa susunod na eleksyon pero 58-milyon pa lang ang nakakapagparehistro.
Sa pagdinig ng Committee on Electoral Reforms na pinamumunuan ni Senator Imee Marcos ay sinabi naman ng COMELEC na sa ngayon ay ginawa nilang hanggang Sabado ang registration at nakipag-partner na rin sila sa mga malls.
Bukod dito, binanggit din ng COMELEC na may mga satellite offices na ito at nagsasagawa na rin ng malawak na information campaign sa social media at traditional media para hikayatin ang publiko na magparehistro.
Ayon sa COMELEC, 7 milyong botante ang na-deactivate makaraang mabigong bomoto ng dalawang beses at inaasahang 3-milyon lang sa mga ito ang magpapa-reactivate ng rehistro.