Iginiit ni Albay Rep. Edcel Lagman na pwede pa ang voter registration hanggang sa January 9, 2022.
Ang reaksyon ng kongresista ay kaugnay ng mga panawagan ng mga mambabatas na palawigin pa hanggang October 31, 2021 ang voter registration mula sa deadline na September 30.
Malinaw aniya na nakasaad sa batas na kaniyang iniakda na Republic Act No. 8189 o ang “Voter Registration Act of 1996” na maaaring magparehistro ang isang bagong botante, 120 araw bago ang regular election o 90 araw bago ang special election.
Ibig sabihin, maaari pa ring magparehistro ang isang bagong botante hanggang sa Enero 9 ng susunod na taon na may pagitan na 120 araw bago ang May 9, 2022 elections.
Katuwiran ni Lagman, higit lalo pa ngang dapat maipatupad ito dahil apektado ang voter registration ng pandemya.
Ang Republic Act No. 8189 ang siya ring pinagbatayan noon sa kaso ng Kabataan Partylist vs. Commission on Elections o COMELEC para naman sa May 2010 election.
Dagdag pa ni Lagman, mapapaikli pa lalo ang panahon ng voter registration kung ang susundin ay ang mga inihaing resolusyon at panukala na nagtatakda sa October 31 na deadline ng pagpaparehistro.