
Cauayan City – Ilulunsad sa Cauayan City ang isang Voters Education Seminar ngayong araw, ika-24 ng Marso sa SM City Cauayan.
Ang nabanggit na aktibidad ay sa pangunguna ng Ordo Justinianist, isang organisasyon na kinabibilangan ng mga mag-aaral ng Bachelor of Science in Legal Management ng ISU-Cauayan Campus, sa pamamagitan ng kolaborasyon sa pagitan ng COMELEC Cauayan City, Isabela State University Planning and Development Office, at SM City Cauayan.
Ito ay bilang bahagi ng selebrasyon ng National Women’s Month ngayong taon kung saan layunin ng programa na ipalaganap sa publiko, partikular na sa mga botante ang kahalagahan ng pagboto.
Kabilang sa mga tatalakayin ay ang kahalagahan ng pagboto sa demokratikong bansa, at ang mahalagang gampanin ng mga kabataan at mga first time voters sa eleksyon.
Maliban dito, tatalakayin din ang proseso ng eleksyon sa Pilipinas, mga batas at regulasyon na ipinatutupad kaugnay sa eleksyon, maging ang vote counting machine.
Inaanyayahan naman ang lahat na makilahok sa programang ito upang na dagdagan at mas maging malawak pa ang kaalaman pagdating sa mga mahahalagang bagay na dapat malaman kaugnay sa eleksyon at sa pagboto.