Voters’ education sa BARMM elections, dapat isagawa ng COMELEC para hindi malito ang mga botante

Nanawagan ang grupo ng mga petitioner na tutol sa Bangsamoro Parliamentary Redistricting Act of 2025 na magsagawa ang Commission on Elections (COMELEC) ng voters’ education.

Ito’y kaugnay ng nalalapit na kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ayon kay Atty. James Latiph, legal counsel ng civil society groups sa Bangsamoro, ikinatuwa nila ang pagpapalabas ng temporary restraining order ng Korte Suprema lalo’t marami ang tutol sa Bangsamoro Autonomy Act o BAA 77.

Giit ni Latiph, labag ang batas sa Konstitusyon at Bangsamoro Organic Law, bukod pa sa nalilito ang mga botante at nasisira ang integridad ng halalan sa BARMM.

Dagdag pa niya, dapat ay nagsagawa ang Comelec ng voters’ education upang kahit papaano ay may kaalaman ang mga botante sa nilalaman ng BAA 77.

Umaasa ang kanilang grupo, kasama ang mamamayan sa BARMM, na magiging maayos at payapa ang eleksyon. Hangad din nila na huwag nang ipatupad ang BAA 77 upang hindi maligaw ang boto ng mga tao sakaling ideklarang unconstitutional ang panukalang batas.

Facebook Comments