Malabo nang palawigin pa ng Commission on Elections (COMELEC) ang voters’ registration period.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, hindi na maaaring i-extend ang voters’ registration lagpas sa September 30 lalo na at magsisimula na ang paghahain ng certificates of candidacy (COC) sa buwan ng Oktubre para sa May 2022 national at local elections.
“I know that there are talks of moving the filing of COC later but as election preparations go, that’s already almost at the very start of the process which means that by then we would have start preparing the project of precincts. This makes as extension of the registration period highly unlikely,” sabi ni Jimenez sa isang TV interview.
Sa halip na magkaroon ng extension sa voters’ registration period, sinabi ni Jimenez na ikinokonsidera nilang pahabain ang registration hours para mas marami pang tao ang ma-accommodate.
Sa ngayon ang voters’ registration ay isinasagawa lamang tuwing Lunes hanggang Huwebes, kaya sinisilip ng poll body na magkaroon din ng weekend registration.
Bukod dito, pinag-aaralan din ng COMELEC na dagdagan ang satellite registration sites sa buong bansa.
Sa huling datos ng poll body, nasa 1.3 million pa lamang ang nagparehistro, malayo sa target nito na apat na milyong bagong registrants.