Voter’s registration, muling sinuspinde ng COMELEC ng dalawang buwan

Muling pinalawig ng Commission on Elections (COMELEC) ang suspensyon sa voter’s registration sa ikatlong pagkakataon.

Ang nasabing suspensyon ng voter’s registration ay hanggang August 30, 2020 bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Kinumpirma mismo ng tagapagsalita ng COMELEC na si James Jimenez ang naturang desisyon, kung saan dalawang buwan muling maaantala ang voter’s registration.


Matatandaan na noong March 9, 2020 ay unang sinuspinde ng COMELEC ang voter’s registration hanggang March 31, 2020 dahil isinailalim ang Luzon sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Na-extend ang suspensyon hanggang April 30, 2020 at muling pinalawig hanggang June 30, 2020 at dahil sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa, naulit pa ang extension hanggang katapusan ng Agosto.

Matatandaang nitong nakalipas na January 20, 2020 ay sinimulan ang voter’s registration period para sa Halalan 2022 at magtatapos hanggang September 30, 2021.

Facebook Comments