Bigo ang voucher program ng Department of Education (DepEd) na ma-decongest ang mga Senior High School (SHS) sa bansa.
Ayon kay Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian, ang kawalan ng targeting mechanism ang naging bunga ng pagpalpak sa implementasyon at tunay na intensyon ng Senior High School Voucher Program (SHS-VP).
Giit ni Gatchalian, pagsasayang ang nangyari na hindi naman pala naresolba ang problema ng pagsisikip ng mga public school sa dami ng estudyante dahil sa halip na sa mga mahihirap ay kung kani-kanino na lang ibinigay ang voucher program.
Ito aniya ang dahilan kaya mahalaga na may mekanismo sa pagtukoy ng mga congested area at paglalaan ng mga voucher para rito.
Lumalabas pa na nasa 20 percent o katumbas ng mahigit 540,000 na mga mag-aaral ang ikinukonsiderang aisle learners o mga estudyanteng hindi na kayang i-accommodate ng mga silid-aralan sa pampublikong paaralan.
Kung ang nasabing bilang aniya ang siyang naisama sa 1.2 million targeted beneficiaries, wala sanang congestion ngayon sa mga public school.