Hiniling ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa Department of Health (DOH) na huwag nang idamay ang mga guro sa ikakasang vaccination program sa pagbubukas ng klase ngayong Agosto.
Ayon kay DOH Officer-in-Charge Rosario Vergeire, nagka-usap sila ni VP Sara at inapela nito na huwag munang magamit ang mga guro para sa vaccination program ng eskwelahan dahil marami rin silang trabaho sa pasukan.
Bunsod nito, nakikipag-ugnayan na ang DOH sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para hingin ang tulong ng mga local government healthcare worker sa pagtuturok sa mga eskwelahan.
Nabatid na isa ang mga paaralan sa mga lugar na itinakda para sa pagpapaigting ng vaccination roll out ng pamahalaan.
Una nang binigyang-diin ni DepEd Spokesperson Michael Poa na hindi mandatory ang pagbabakuna sa mga estudyante na magbabalik sa in-person classes.
Sa ngayon ay nasa 5.6 million learners nationwide na ang nakapagpatala para sa School Year 2022- 2023.