Iginiit nina House Assistant Majority Leaders Paolo Ortega ng La Union at Jay Khonghun ng Zambales na dapat mag-sorry si Vice President Sara Duterte.
Sabi nina Ortega at Khonghun ito ay dahil sa pagsisinungaling ni VP Sara matapos nyang itanggi na siya ay nasa beach resort sa Calaguas Island, Camarines Norte kaya hindi nakasipot sa deliberasyon ng Kamara sa 2025 budget ng kanyang tanggapan.
Diin nina Ortega at Khonghun, malinaw sa report ng Camarines Norte Police ang detalye ng seguridad na ipinatupad habang si VP Sara ay nasa Calaguas Island mula September 21 hanggang umaga ng 23.
Binanggit din nina Ortega at Khonghun ang iba pang detalye, mga eyewitness accounts at social media posts mula sa mga residente sa lugar na magpapatunay na siya ay nasa isla habang inaantay siya sa kamara para sa deliberasyon ng Office of the Vice President (OVP) budget.
Ipinunto nina Ortega at Khonghun, na kung kaya ni VP Sara na magsinungaling sa kanyang kinaroroonan ay paano pa sa ibang importanteng bagay.
Para sa dalawang house leaders, isa itong malaking batik sa integridad ni VP Sara at pagsira sa tiwala ng mamamayan.