Hinimok ni Camarines Sur 2nd District Rep. LRay Villafuerte si Vice President at Education Secretary Sara Duterte na imbestigahan ang Department of Education (DepEd) hinggil sa umano’y mga hindi naisaayos na lumang classroom sa kabila ng malaking budget nito noong 2021.
Ayon kay Villafuerte, lumabas sa annual assessment ng Commission on Audit (COA) na hindi naisagawa ng maayos ang furniture repair at upgrades sa 14 regional offices ng DepEd.
Dagdag pa ng mambabatas na sa Camarines Sur pa lamang ay bigo na ang DepEd, sa ilalim ng dating kalihim na si Leonor Briones, na ayusin ang 1,800 silid-aralan sa Iriga City at 35 na iba pang munisipalidad noong 2021.
Giit ni Villafuerte na tila nagmumula ang problema sa mababang absorptive capacity at hindi dahil sa kakulangan ng pondo, dahil malaking halaga ng Basic Education Facilities Fund (BEFF) ang ibinaba ng Department of Budget and Management (DBM) sa DepEd.
Samantala, naniniwala naman si Villafuerte na matutugunan ni VP Sara ang mga naturang alegasyon sa kagawaran.