Iginiit ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na halatang-halata na pinagkakaisahan ng Kamara si Vice President Sara Duterte.
Ito ay matapos pagtulungan ng mga kongresista ang 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP) kung saan plano nila itong bawasan at itira na lamang ang mga sweldo ng mga kawani.
AyonT kay Dela Rosa, “very obvious” na pinagkakaisahan si VP Duterte sa Kamara matapos na ipagpaliban ang pag-apruba sa P2.037 billion na pondo sa susunod na taon.
Magkagayunman, tumanggi ang mambabatas na magsalita sa kung ano ang motivation o rason para i-gang up o pagtulungan ang bise presidente dahil posibleng mag-ugat na naman ito ng panibagong aksyon sa mga mambabatas.
Hindi rin aniya malabong magkaroon ng tensyon sa pagitan ng Senado at Kamara dahil sa OVP budget lalo na kung walang magpaparaya sa pagitan ng mga senador at kongresista pero ito ay depende sa mapagkakasunduan sa Bicameral Conference Committee.
Sa kabilang banda, naniniwala naman si Dela Rosa na kikilalanin ng mga kongresista ang matagal nang tradisyon at bibigyan ng kaukulang respeto ang OVP na huwag pahirapan at ibigay ang hinihinging pondo sa susunod na taon.