VP-elect Sara Duterte, pormal nang nanumpa bilang ika-15 na bise presidente

Pormal nang nanumpa si Vice President-elect Sara Duterte bilang pangalawang pangulo ng Pilipinas.

Pinangunahan ni Supreme Court Justice Ramon Paul Hernando ang panunumpa habang hawak ng kaniyang ina na si Elizabeth Zimmerman ang Bibliya na ginamit sa oath taking.

Katabi rin ni Duterte ang kaniyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte at dumalo rin ang kaniyang naging running mate na si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.


Dumalo rin ang ilang personalidad kagaya nina dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo, incoming Executive Secretary Attorney Vic Rodriguez, ilang senador, kongresista, gobernador, at mga taga-suporta.

Present din ang kaniyang asawa na si Atty. Manases Carpio at mga anak na sina Stingray at stoneFish sa ginanap na seremonya.

Sa kaniyang mensahe matapos manumpa, nanawagan si Duterte-Carpio sa mga Pilipino na magsama-sama sa pagbangon at patuloy na mahalin ang Pilipinas habang nabubuhay sa mundo.

Nakakuha si Duterte-Carpio ng 32,208,417 na boto noong May 9 elections na pinakamalaking mayorya sa botohan sa pagka-bise presidente mula noong 1986.

Bago manumpa, nagdaos muna ng misa sa San Pedro Cathedral na pinangunahan ni Davao Archbishop Romulo Valles.

Bukod sa pagiging pangalawang pangulo, pamumunuan ng vice-president elect ang Department of Education.

Nais din ni Duterte-carpio na magkaroon ng permanenteng opisina ang Office of the Vice President na iiwan niyang legasiya pagkatapos ng anim na taong termino.

Magsisimula ang termino ni Duterte-Carpio bilang pangalawang pangulo sa June 30.

Facebook Comments