VP Leni, binigyang diin ang importansya ng mass testing, vaccine distribution partikular sa mga probinsya kung saan tumataas ang COVID-19 cases

Nagpaalala si Vice President Leni Robredo, na mahalaga pa rin ang COVID-19 mass testing lalo na sa mga probinsya na nagsisimula muling tumaas ang bilang nang mga nagpopositibo sa sakit dahil ito ay isang paraan para maawat ang pagkalat ng COVID.

“Hindi ako naniniwala na hindi tayo magtest ng maramihan kasi to control the transmission, kailangan talaga mag-test. Halimbawa po; Omicron, yung virus na parang common colds lang yung symptoms. Kaya grabe yung transmission niya kasi maraming mga taong lumalabas at umiikot, nakiki-engage sa mga tao na hindi alam na may sakit sila,” sinabi ni VP Leni sa isang online rally kasama ang kanyang mga taga suporta mula sa rehiyon ng Ilocos.

Isa sa mga inisyatibo ng Office of the Vice President sa pagtugon sa pandemya ang Swab Cab na umiikot sa iba’t-ibang lugar para isailalim sa libreng COVID-19 antigen test ang mga may nararamdamang sakit.


Nitong Linggo, ika-30 ng Enero, dinala ni VP Leni ang Swab Cab sa Lingayen, Pangasinan. Katuwang ng OVP ang lokal na pamahalaan ng Lingayen, ang municipal health office, at medical and non-medical volunteers.

Bukod sa COVID-19 mass testing, binigyang importansya din ni VP Leni ang mas maayos na vaccination program sa mga probinsya. Mahalagang mailapit sa mga kanayunan ang mga COVID-19 vaccines, tulad ng ginagawa ng OVP sa pamamagitan ng kanilang libreng Vaccine Express.

Mahalaga din para kay VP Leni ang pagiging handa ng ating mga pagamutan.

“Sa akin po, mag stock pile tayo ng mga gamot at mga protective equipment para hindi tayo nag papanic every time may surge–naramdaman po natin ito during the Delta variant, the surge caused by the Delta variant–para siguraduhin natin na manatiling protektado ang mga health workers,” sabi ni VP Leni.

Parte ang mga inisyatibong ito ng Kalayaan sa COVID Plan ni VP Leni.

Magiging prayoridad ni VP Leni, kapag siya ang nahalal bilang Pangulo, ang makalaya ang bansa mula sa pandemiya para tuluyan na tayong makaahon at makabuwelo na ang ekonomiya.

“Yung economy hindi siya makakabuwelong bukas hangga’t hindi natin nako-control ‘yung transmission ng virus. Kasi ang mangyayari po pag hindi natin na-control, bukas-sara ‘yung mga negosyo,” ayon kay VP Leni.

Facebook Comments